|
muli ko na namang naamoy ang pabango niya mula sa kwarto. nanonood ako ng tv nun, pero naagaw ng matapang ngunit mabangong amoy ang aking atensyon. ilang buwan ko na rin sigurong nakalimutan ang amoy na iyon. ilang buwan na rin niya siguro itong hindi nagagamit. ilang buwan na rin siguro siyang hindi pumuporma at lumalabas ng bahay, at sa palagay ko'y nami-miss niya na ang paglabas at pagpasyal.
hindi naman ganyan ang buhay niya dati. naaalala ko, halos 'di kami nakakapagkwentuhan dahil sa sobrang abala sa trabaho at opisina. dati rin, sa kotse lang kami halos nagkakasama at nagkakausap... mga 30 minutos sa isang araw. hinahatid niya kasi ako sa eskwela. gabi na rin siya halos umuuwi-- oras naman ng pagtulog ko. kinabukasan, ganun ulit. nagpapasalamat ako sa mga sabado na dumaan sa buhay ko. salamat dahil may mga sabadong nagkakasama kami. sabado ng kasiyahan at pamamasyal. nakaka-relaks. at least hindi lang 30 minutos ang pag-uusap namin. darating na naman ang lunes. eskwela para sa akin, opisina para sa kanya. baka hindi na naman kami magkita. wala akong pagsisisi sa mga nagdaan. hindi ko naman makokontrol yun. ngayon ko lang naiisip na marami palang mga nagdaan na pagkakataon ang nasayang. hindi namin sobrang nalubos ang panahon. hindi naman siya masama eh. sa totoo lang, isa siya sa mga taong idol ko. ipinagmamalaki ko siya. masipag. matalino. mabuti. malinis ang puso. good provider. marami kaming naranasang hindi maibibigay ng isang ordinaryong tao na walang pagmamahal. kaya naman mahal na mahal ko siya. parang ang bilis lang ng mga pangyayari. biglaan niyang kinailangang iwanan ang dating abalang buhay sa opisina at mamalagi na lamang sa bahay. kinailangan niyang isantabi muna ang masaganang buhay. hindi naman siya marangya, pero kinailangang tipirin ang mga anda para hindi sila maubos at masayang. kinailangan ring mag-adjust sa bagong takbo ng buhay. mahigit isang taon na ring nangyari ito. naluluha ako minsan pag nakikita ko ang "bagong siya". alam kong hinding-hindi siya sanay sa ganitong kalagayan. alam ko ring nami-miss na niya ang dating abalang araw-araw sa buhay niya. ngayong ko lang siya ulet nakitang nakapang-lakad. slacks, sapatos, polo-shirt, shades at ang pabango niya. ngayon lang siya makakalabas ng bahay upang makita muli ang mga tao at ang paligid sa labas. naluluha ako pero hindi ako naaawa dahil may tiwala ako sa kanya. kayang-kaya niya itong mapagtagumpayan dahil buo ang loob niya at lalong higit ay buo rin ang paniniwala niya sa DIYOS, na kayang-kayang gumawa ng mga bagay na higit pa sa maisipan ng tao. buhay ang DIYOS niya. buhay ang DIYOS natin. naniniwala akong hinding-hindi niya itatakwil ang kanyang mga anak na lumalapit sa KANYA. ngayon ko naiisip na eto ang oras para magkasama kami at makapagkwentuhan ng hindi lamang 30 minutos o tuwing sabado. araw-araw, gabi-gabi, pwede kaming makapag-usap. sa ngayon siguro'y dito muna kami sa loob ng bahay, pero naniniwala akong darating ang oras na ibabalik ng PANGINOONG HESUS ang lakas niya at magagawa na niyang muli ang bagay na hindi magawa ngayon, para na rin sa ikaluluwalhati ng Pangalan ni KRISTO. |
| Leave a Comment: |